Nagulantang ang news team ng ABS-CBN matapos nilang personal na maranasan ang ginagawang pagbakod ng China sa West Philippine Sea.
Sa report ni Chiara Zambrano sa ‘TV Patrol’, kinuwento nito ang nangyari nang maglayag sila sa WPS para malaman ang mga pangyayari sa naturang karagatan na mahigpit na pinag-aagawan ng Pilipinas at China.
Saad ni Chiara, papunta sana sila sa Ayungin Shoal para makausap ang mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na nakabase sa naturang lugar.
Habang nasa laot, bigla aniyang sumulpot ang isang puting barko na patungo sa kanilang kinaroroonan.
Dito na nila nalaman na mula sa Chinese Coast Guard pala ang naturang barko, at nagradyo ito sa kanila kung saan tinanong nito kung anong pakay nila sa WPS.
Dahil dito’y bumalik na lamang sila Zambrano sa mainland Palawan, ngunit hindi pa rito natapos dahil sinundan pa rin sila ng Chinese Coast Guard na tumagal nang isang oras.
Nang mawala na sa kanilang paningin ang puting barko, ay bigla naman daw nagpakita ang dalawang sasakyang pandagat ng China na armado naman ng missile, na anila’y sinundan naman sila ng halos kalahating oras.
Pansin ni Zambrano na walang naka-istasyon na Philippine Coast Guard sa naturang lugar nang sila’y habulin ng mga Chinese vessel.