Hindi pa natitigil si Ben Tulfo sa pagpapatama kay Tingloy, Batangas Mayor Larry Alvarez.
Sa Pilipino Star Ngayon column ng broadcaster nitong March 26, sinabi nito na hindi umano gumana ang pagpapa-Tulfo sa alkalde at asawa nito.
“Ipinagmamalaki raw ni Mayor Larry na ‘malakas daw sila’. Sa katunayan, wala raw nangyari sa sumbong laban sa kanyang misis na kapitana – sa Social AMELIAration Program nito. Naipa-TULFO nga raw sila pero wa epek dahil nakaupo pa rin sila,” giit ni Tulfo.
Naging isyu ni Tulfo sa mag-asawa ay ang pagpalit ng pangalan ng ayuda para maging Social Ameliaration program, na katulad ng pangalan ni Brgy. Captain Amelia Alvarez, asawa ng mayor.
Nilantad ni Tulfo na ayon kay Department of Interior and Local Government Undersecretary Martin Dino, ay hindi napasama ang dalawa sa mga nasuspende dahil sa iregularidad sa SAP.
Dahil dito, nais ni Tulfo na makaharap ng personal ang alkalde dahil hindi na raw sinasagot ang kanyang mga tawag.
“Kung hindi lang pandemya, matagal na kitang pinuntahan sa munisipyo mo dala ang BITAG camera para interbiyuhin ka. Mag-antay-antay ka lang. Mabibilang ka rin sa listahan ng mga mayor na binisita ko ng personal – kung ito ang gusto mo,” sambit ng broadcaster.