Nagpaalam na si Doland Castro bilang mamamahayag ng ABS-CBN.
Sa tweet ni Castro, sinabi nito na naghain na siya ng kanyang early retirement sa Kapamilya network, kung saan nagsilbi siya ng lampas 20 taon.
“Taong 1990 nang maging batang tagapagbalita ako sa Junior TV Patrol. Taong 2000 naman nang ako ay maging Researcher/Writer/ Segment Producer,” kwento ni Doland. “2003 naman ng maging inyong PATROL NG PILIPINO. Ako po ay naghain na ng aking early retirement sa ABS-CBN na aking pinaglingkuran ng 20 taon bilang Patrol ng PILIPINO.”
Nagpasalamat si Doland sa kanyang mga naging boss sa ABS-CBN, ganun din sa mga Kapamilya at kaibigan na nagtiwala sa kanya.
Ayon kay Doland, susubukan niyang pumasok sa public service sa kanyang distrito sa Quezon City.
“Kung mabibigyan po ng pagkakataon, nilisan ko ang mundo ng pamamahayag para mas makapagbigay po ng serbisyong lubos at tapat sa aking mga kadistrito sa distrito Uno sa konseho ng Quezon City,” lahad ng journalist.
May yugto ng buhay na nagtapos ngunit magpapatuloy…
Makalipas po ang 20 taon ng mayamang karanasan ng pagiging mamamahayag, ako po ay nagpaalam na sa mahal kong ABS-CBN para tumugon sa panibagong yugto ng paglilingkod.. pic.twitter.com/84ebpuOQw5— doland castro (@dolandcastro) May 19, 2021