Kumpiyansa si Laguna 3rd District Rep. Sol Aragones na maipapasa ng Kongreso ang renewal para sa ABS-CBN franchise bago mag-break para sa Mahal na Araw.

Ayon kay Aragones, na dati ring journalist para sa ABS-CBN, ang mga Pinoy ang malulugi sakaling ipasara ang Kapamilya network.

Aniya pa, ang ABS-CBN ang naging tulay para mabuhay niya ang kanyang pamilya, at maabot ang kanyang kinakatayuan ngayon.

“Kapag hindi marenew ‘yung franchise ng ABS-CBN, siguro ‘yun ang isa sa magiging pinakamalungkot na yugto ng buhay ko. Ang ABS-CBN ang bumuhay sa akin at saking buong pamilya. Ito ang isa sa unang pormal na trabaho ko kung saan dito ako humanap ng ibubuhay sa pamilya ko,” saad niya.

“Kung ano man ‘yung naabot ko sa buhay ay malaking bahagi din ‘yung ABS-CBN.”

Sa ngayon ay nakabinbin pa rin sa Kongreso ang bill para sa franchise renewal ng nasabing network, na mapapaso na ang prangkisa sa katapusan ng Marso.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *